Pinakabagong Filipino Game Show: The Hunger Games

Alam nating lahat kung ano ang nangyayari sa paligsahang Hunger Games. Pumipili ang Capitol ng dalawang kinatawan, isang babaeng Tribute at isang lalaking Tribute, mula sa bawat isa sa labindalawang District nag bansang Panem. Lahat ng mga Tribute ay kinakailangang magpatayan sa Hunger Games na ipinalalabas sa buong Panem hanggang isa na lang sa kanila ang matira, at ang District na kanilang pinagmulan ay bibigyan ng mga pagkain mula sa Capitol bilang pabuya sa pagkapanalo ng kanilang Tribute.


Pakita ng Hunger Games (2012)

Nakakatakot, 'di ba? Magbibigay na nga lang ng pagkain ang Capitol, may patayan pang kailangan maganap! Bagaman sa kasalukuyan, wala pa namang palarong palabas (game show) sa Pilipinas na ganito kabayolente, ang umiiral na konsepto sa Hunger Games ay maihahalintulad na sa konsepto ng mga palarong palabas ng mga Pilipino.



Cornucopia Bloodbath na eksena sa The Hunger Games (2012) 

Simulan nating tingnan ang mga napipiling Tribute sa Hunger Games. Karamihan sa mga District na pinagmumulan nila ay mahihirap lang. Wala halos makain ang mga tao kaya kahit labag man sa kalooban nila, ang mga napipiling Tribute ay maghihikahos at makikipagpatayan para mabuhay at may maiuwi lamang na pagkain sa kanilang District. Hindi ito nalalayo sa estado ng buhay ng mga sumasali sa mga palarong palabas sa Pilipinas. Maliban sa minsang mga celebrity edition kung saan sumasali bilang kalahok ang mga sikat na artista o personalidad, madalas ang mga sumasali talaga sa mga palarong palabas dito sa Pilipinas ay ang mga mahihirap. Ayon kay Manila Times reporter, Cai U. Ordinario, "...most of those who go to these TV shows to join the games only have P20 or less in hand–highlighting how much they want and need to win, that even a prize of few pesos would do. This brings us to realize that the bottom 30 or the poorest 30 percent of the population could no longer think of other ways to improve their situation other than trying their luck and hope that the next game-show brings them." (mula sa artikulong "Poverty Situationer: Deteriorating State of the Poor") Sila ang mga nabibilang sa tinatawag na masang Pilipino. Hindi man sila pinipilit sumali ng pamahalaan o ng mga istasyon kung saan ipinalalabas ang mga palaro tulad ng pagpili ng Capitol sa mga Tribute, ang nag-uudyok sa mga Pilipinong ito na sumali sa mga palaro ay hindi ang bastang kagustuhan nilang makisaya, kundi mayroon silang matinding pangangailangan sa premyong maaring pera o kagamitang pamuhunan sa paghahanapbuhay (tulad ng mga dyip o tricycle).


Pagmamanipula ng mga taga-Capitol sa Hunger Games

Mag-aaral sa Eat Bulaga, pinasayaw at pinagtawanan

Ang pag-udyok ng kahirapan sa masang Pilipino ay naitutulak rin silang gawin ang lahat sa abot ng kanilang makakaya may maiuwi lang na premyo. Malimit kung anu-ano ang ipinagagawa sa mga kalahok. Gaya ito ng pagmanipula ng mga taga-Capitol sa mga hayop na karagdagang lalabanan ng mga Tribute at sabay na rito ang karagdagang aliw para sa Capitol. Sa Eat Bulaga, pinasasayaw ang mga kalahok para pagtawanan. (Noong ika-12 ng Marso nang nakaraang taon, naging kontrobersyal ang di-angkop na pagpapasayaw ni Willie Revillame sa isang batang kalahok na nagngangalang Jan-Jan sa Willing Willie. Iniinda ng mga kalahok ang pagiging katatawanan nila sa mga manunuod, maaliw lamang ang mga ito at maging ang mga tagapamahala ng palaro. Pinakanakababahala sa lahat ang kayang itaya ng masang Pilipino para sa pag-asang hatid ng premyo, higit pa sa kanilang kahihiyan; kaya rin nilang itaya ang kanilang mga buhay. Wala sigurong makalilimot sa naganap na Wowowee Anniversary Stampede noong ika-4 ng Pebrero, 2006, kung kailan 30,000 katao ang nagtulakan, nagkasakitan, nagka-apakan hanggang sa may higit 70 tao ang namatay. Hindi ko maiwasang ihambing ito sa eksenang Cornucopia Bloodbath sa Hunger Games nang sumugod ang mga Tribute sa pinaglalagyan ng mga armas na makatutulong sa kanilang lumaban at manalo sa Hunger Games. Ang naging resulta ay ang madugong pagpapatayan ng maraming mga Tribute habang nag-aagawan para sa mga armas.

Pagpapasayaw ni Willie Revillame kay Jan-Jan
Wowowee Anniversary Stampede

Bagaman ang mga mahihirap na kalahok ay bahagi ng pagiging mala-Hunger Games ng mga Pilipinong palarong palabas, mas labis na nakasalalay ang pag-iisip na ito sa mga gumagawa ng palaro at mga manunuod. Oo, nakatatakot ang mismong larong Hunger Games, ngunit mas nakatatakot ang aliw na dinadala nito sa Capitol. Kung tutuusin, ginawa nila ang Hunger Games di naman talaga para makapagbahagi ng pagkain ngunit para lang talaga sa kanilang pagpapalipas-oras. Hindi na sila malay sa trahedyang nakapaloob sa pagkitil ng isa sa buhay ng isa pa. Pinanunuod ng mga tao sa mayamang Capitol ang Hunger Games bilang simpleng laro dahil wala namang Tribute mula sa Capitol. Para sa Capitol, hiwalay sila sa mga taong mula sa mga District kaya nagagawa nilang matuwa habang pinanunuod ang madugong labanang nagaganap.

Caesar Flickerman Show at ang pagtangkilik ng Capitol sa Hunger Games

Ganito rin ang mga tagagawa at mga manunuod ng mga palarong palabas. Habang maraming mahihirap ang nanunuod, sila ay tulad rin lang ng mga nanunuod na taga-District. Umaasa silang manalo ang kapamilya, kaibigan, o kabaranggay nila habang mayroon din ang mga Pilipinong manunuod na nakaaangat sa lipunan at mistulang taga-Capitol. Nagagawa nilang humalakhak pag may nilait na si Vice Ganda dahil alam nilang kailanman ay di naman sila mailalagay sa posisyon ng kalahok na iyon. Hiwalay ang mga maykayang manunod sa mga mahihirap na kalahok, kaya nanunuod lamang sila upang maaliw.

Sa panahong post-apokalipto man nagaganap ang Hunger Games, sa kasalukuyan pa lang makikita na ang mga pangyayaring tulad ng nasa pelikula. Ang pag-iisip na umiiral sa karumaldumal na palarong ito ay pag-iisip na umiiral na sa lipunan ngayon. Makikita ito sa mga palarong palabas ng mga Pilipino.

Ang post na ito ay para sa Filipino 14, klase ni Ginoong Jethro Tenorio. (This post is in partial fulfillment of the requirements for Mr. Jethro Tenorio's Filipino 14 class.)

No comments

Post a Comment

© Mahilig
Design:Maira Gall.